Manlalayag

Tayo ay pawang mga manlalayag.
Bitbit ang bawat rason kung bakit tayo nabubuhay.
Parating tandaan na hindi tayo nakatakdang manatili sa ating hawla habambuhay.
Mamangha sa taglay nilang kulay.
May mga pagkakataong lilisanin natin ang nakasanayan upang paulit ulit na hanapin ang ating mga sarili sa bawat gusaling mapupuntahan,
na ang kanilang mga kuwento ay mapapakinggan.
Nakasilid sa mga bagahe ang bawat aral na matututunan
habang tayo ay patuloy sa paglalakad o pagsakay man.
Bitbitin natin ang bawat kuwentong ipapahayag sa atin ng bawat gusali,
bagamat hindi sila nakapagsasalita.
Alamin ang kanilang kasaysayan at huwag kailanman man mapagod matuto sa mga aral na ipapabatid nila.
Tanggapin ang kanilang mainit na pagtanggap sa katulad nating mga dayo.
Batid nilang hindi nila tayo kabisado,
Ngunit sila ay handang iunat ang mga palad na handang bumisita sa kanila anumang oras o segundo.
Huwag tayong mapagod at tumigil sa paglalakbay na ito.
Baunin ang bawat karanasan sa pagbalik
sa nakasanayang mundo.
Advertisements

WALUMPUT ANIM NA LIBO AT APAT NA RAANG SEGUNDO

Ayon sa mga dalubhasa sa matematika at siyensa, ang sabi nila:

Ang bente kwatro oras, ang isang araw ay may katumbas na walumput anim na libo at apat na raang segundo.

Ibg sabihin lamang  meron tayong panahon upang makpapag iwan ng mga bakas ng ating paghinga at alaala sa mundong ating ginagalawan.

Na kung may mga bagay ka pang hindi nagagawa ay pwede mo pang magawa. Tikman ang iba’t ibang lasang hatid sa atin ng buhay, ay namnamin ang kaakibat nitong pakiramdam. Maglakbay at maglayag sa mga lugar na nais mong mapuntahan.

Lumikha ng mga masasayang alaala kasama ang mga minamahal sa buhay at ibaon parati sa gunita,

Mag-unat ng pagmamahal at pagdamay sa mga taong nangangailangan ng masasandalan.

Piliin parati ang magmahal at matutong ipaglaban ang mga bagay na alam nating mananatiling mahalaga.

Lumaban ka para sa mga mahihina,

maging kasingtibay ng kawayan na hindi kailanman mapapayuko ng mga pagsubok at mga delubyo,

Angkinin ang bawat pagkakataong binibigay sayo ng buhay na para bang isang pagtatanghal sa entablado.

Maging buhay kang pahina at kuwento na maaring mabasa o mapakinggan at hindi mapagsasawaan ng sinuman.

At ngayon, meron kang walumput anim na libo at apat na raang segundo na nakalapat sa mga palad mo,

ang naiiwang tanong na lamang,

paano mo ba gagamitin ito?

 

Unang Pag-ibig

Naramdaman kita sa unang beses pa lamang

Noong ang mga yapos at yakap ay tila isang palatandaan

na pag-aari mo ako

Pinakilala ka sa akin sa unang pagkakataon,

at agad kong kinilala ang pagkatao mo

Hindi ako nag-atubiling kabisaduhin ang mga salitang binibitawan mo

 

Sabay nating ninanamnam ang paghalik ng mga alon sa dalampasigan,

ang paglipad sa alapaap kasama ang mga ulap

At nakatunghay sa ganda ng kapaligiran

 

Namamangha ako sa kanila

Na tila para bang kinakawayan at sinasalubong nang maligaya

ang aking pagdalaw sa kanilang mundo

 

At magmula noon,

hindi ako bumitiw sa’yo

Hindi ko binitawan ang mga ipinangako mo

 

Kahit minsan, hirap akong dalhin ang bigat na aking dinadala

dahil sa daang tinatahak na para bagang hindi nila ako ibig makita

parating tikom ang kanilang mga bibig sa tuwing binabanggit kita sa kanila

 

Ngunit gayun pa man, alam ko,

minamatayagan mo pa rin ako sa kung saan man,

inaalam kung ilang daan na ba ang aking napuntahan

Paulit-ulit akong naliligaw at naglalaboy sa kawalan,

pero hindi mo ako binibitawan

Patunay lamang na sa kabila ng paulit ulit kong paglisan

patuloy mo parin akong iniingatan

 

At ito ang iyong pag-ibig

pag-ibig na hindi nagkukulang sa lahat ng panahon

pag-ibig na handang tumanaw sa bukas at ngayon

 

At magmula nang maramdaman ko ito,

alam ko, sigurado ako, panatag ako

Na kahit ilang beses man akong maligaw

ay alam kong aabangan mong muli ang aking pag-uwi

 

Na ikaw ang pag-ibig,

sa simula hanggang huli

Kapag Sumapit Ang Tag Ulan

Kapag sumapit ang tag-ulan

hayaang ang aking bisig ang maging kanlungan mo

asahan mo, ako ang tahanan na magiging silungan mo

kapag nagsimulang manalasa ang bagyo

at sa iyong pananatili ay makatatagpo ka ng yakap

na matagal mo nang inaasahan sa mga nakapaligid sayo

 

Alam ko, na matagal mo nang hinihintay ang paglaho ng tag-ulan

dahil sa napakaraming mga galos na natamo buhat nung ikaw ay masaktan

magmula noong hindi mo na maramdaman

ang haplos ng tag-araw

na pumapanaw ng panlalamig

ang pagtatagpo ng araw at ng kalangitan

na nakapagbibigay sayo ng kilig

 

Kapag sumapit ang tag-ulan

sasamahan kitang maglakad na kahit humampas man ang malakas na hangin

ay hindi ka matatangay dahil sa mga kamay ko

 

Mga kamay kong handang pumulupot sa’yo

na kapag masyado nang maingay ang ugong

na paulit-ulit na pinapakawalan ng mundo

Handa akong ibigay ang pagtanggap na hinahangad mo

 

Halika, sabay tayong maglakad

Huwag mong alalahanin ang bawat patak ng ulan

Dahil ako ang iyong payong

sususkob sayo upang hindi ka tablan ng pagluha ng kalangitan

 

At kapag sumapit na ang tag-araw, o kahit dumating man muli ang tag-ulan

asahan mo, hindi ako lilisan

ako ang magiging gabay sa landas na iyong patutunguhan

 

OBRA

Ikaw ay isang obra.
Hindi mo man batid na sa paulit-ulit
mong pagpatid sa sahig dala
ng kanilang panghuhugsa,
ikaw ay isang obra.

Ikaw ay hinugis mula sa Kanyang hulma,
mula sa pinagtagpi-tagpi na mga biyaya,
Ikaw ay isang obra.

Patuloy kang hinuhubog ng panahon
Na kahit gaano man kataas ang mga alon na sayo ay sasalubong
Itaas mo lamang ang iyong noo,
at isigaw ang mga damdaming parati nalang binubulong.

Bawat eskinita na binabaybay ng iyong mga paa,
Sa bawat kalyeng pinagtitinginan ka
dahil sa kakaibang katangian mong dala,
Ikaw ay isang obra.

Marahil malupit nga ang mundo sa isang katulad mo
Parating mga pang-aalipusta ang parating ipinupukol sayo,
Ngunit tandaan mo,
na pare-pareho lamang tayong nabubuhay sa buhay na ito,
Patuloy na hinahanap ang sarili sa kabila ng paulit-ulit na pagkalito.

Mga pagkakataong ikaw ang sentro ng katatawanan
Dahil sa kakaibang ugali o hubog ng katawan.
Gaano na nga ba karaming luha ang iniluluha mo sa kanilang likuran?
Ilang gabi na nga ba ang dumadaan na parating maraming tanong sa iyong isipan?
Maraming pagkakataon na tila bakit palamuti sa kanila ang iyong pagiging iba?
Hindi ba nila nalalaman na iba iba man tayo ng itsura, pananaw at paniniwala,
Ang humubog at lumikha sa atin ay iisa?

Parati mo sanang isipin na ikaw ay hindi sayang sa paningin Niya.
Na kahit ilang beses ka mang mawasak ay nariyan lamang Siya.
Hindi ka itatapon dahil galing ka sa mga kamay Niya.

Kaya kaibigan, itahan mo na ang pagluha.
Kung darating man ang pagkakataong muli kang tignan nila.
Isipin mo,
Ikaw ay isang obra
Na galing sa Kanya.

Abellon, 24 Mayo 2018

Kung Paano Ang Gabi Ng Nakapiit

Nakasilid ang kaluluwa

Sa piitang malayo sa tahanan

Malayo sa kadalasang paraiso

Malamig na sahig

ang parating

nahahalikan ng mga yapak

na walang sapin

 

Sa papag inihihimbing ang pagsisisi

Pumapatak ang luha

Na para bang ulan

Na walang hudyat sa pagtahan

 

Parating hinhanap

Ang init ng yakap

Ng minamahal

Sa kabila ng pagkukulang

 

Pilit ginuguhit sa mukha

Ang ginhawa

Hawak niya ang mapang tutunguhin muli ang daan

Paalis sa kawalan